Ngayong dumarami ang mga manlalaro ng darts, dumarami din ang mga
nagpaparating at nag-didistribute ng mga dart accessory items. Ang
katangian ng mga sports equipment trading companies ay sumabay sa
agos at pakinabangan ang kinakailangang kagamitan sa lumalaganap
na sports.
Nakita natin ito sa bilyar at badminton noong mga nakalipas na
taon. Sari-saring kagamitan at sari-saring uri ng quality ang
dumating, may tunay, peke at may madaling masira. Matapos ang
kainitan ng bilyar at badminton natapos na rin ang interest ng
mga distributor.
Kaya may kalituhan ang mga manlalaro at ang mga nagbabalak maglaro
ng darts kung ano ang gagamitin sa dami ng mga kagamitan.. Upang
malinawan ang mga namimili ito ang ilang mungkahi tungkol sa kagamitan
ng darts.
Umpisahan natin sa dartboards. Ibat-ibang uri at presyo ng dartboards
ang maaaring mabili at ito ang mga kaibahan. Ang una ay ang wires
or web na naghahati sa mukha ng dartboards. Merong regular wires
na bilog at nakadikit sa board sa pamamagitn ng mga staples wires,
pinakamura ito. Ang triangular wires ay hugis triangulo at mas
mahal sa regular wires. Ang blade wires ay may pinakamaliit na
wires at nakabaon sa dartboard at walang staples, ito ang pinakamahal.
Ang unang dartboards ay ang regular wires ngunit maraming mga
tumatalbog na darts kasi tumatama sa bilog na wires at sa mga
staples kaya hindi nakakaiskor ng maayos. Sumunod lumabas yung
hugis triangular wires, diamond wires, apex wires at Spectra na
mas kokonti ang talbog. Ang pinaka-huling inilabas ay ang blade
wires na may pinaka-maliit na wires at halos walang tumatalbog
na darts gaya ng Razor dartboards. Ang blade wires na ang ginagamit
sa lahat ng major international dart tournaments.
Ang pangalawang kaibahan ay ang ginagamit na bristle o sisal
ng dartboards. Ang pinakamataas na quality ngunit pinakamahal
ay yung galing sa Africa at sinasabing self-healing at sumasara
pagkatapos tamaan ng darts. Ang middle-priced sisal boards ay
galing sa Brazil at ang mababang quality at presyo ay sisal na
katutubong China .
Ang pangatlong kaibahan ay kung staple free ang bullseye at nakabaon
sa board o yung may ring at nakasabit ng staples. Ang mahirap
sa ring na bullseye ay gumagalaw-galaw kapag maluwag na ang staple.
Suriin ang mga dartboards sangayon sa budget at gusto niyong
paglaruan. Malaking bagay magtanong sa mga gumagamit na ng mga
dartboards at masasabi nila ang mga karanasan nila sa ibat-ibang
brands ng dartboards at kung ano ang maayos at karapat-dapat ang
presyo.
Sa mga susunod na pagsusulat ay tatalakayin natin ang iba pang
kagamitan ng darts.