Ang ating mga dartero ay sasabak sa 2008 Penang Open Dart Championship,
Malaysia, ngayong ika-30 ng Mayo hanggang ika-1 ng Hunyo, kung saan
nakalaan ang katumbas na P650,000 na papremyo. Ang mga events ay
Men’s and Ladies’ Singles, Fixed Doubles at Bullmaster.
Ang malakas na panlaban ng Pilipinas sa Ladies Singles ay si
Jan Jan Hinojales ng Robson-Davao. Magugunita natin noong 1997
World Cup sa Perth, Australia, si Jan Jan Hinojales ang nagdala
ng Ladies Team ng Pilipinas kung saan sila ni Baby Villanueva
ang nagwagi ng Silver Medal sa Ladies Doubles at Bronze Medal
sa over-all Ladies Team Championship. Ito pa lang ang mga medalyang
nakamit ng Philippine Team sa World Cup at nangyari ito sa kauna-unahang
sagupa ng kababaihang dartero ng Pilipinas sa World Cup.
Ang nilaro ni Jan Jan Hinojales sa World Cup 1997 ay isa sa maipagmamalaking
laro ng Pilipino. Sa harap ng maraming nanood tinalo nila Jan
Jan at Baby Villanueva ang world number 1 ranked team nila Trisha
Guillver at Mandy Solomon ng Inglatera. At noong semi-finals sa
intablado ng World Cup bumato si Jan Jan ng winning darts out
sa eskor na 132– Single bull (25); Triple 19 (57) at Double
Bulls out (50).
Napanalunan ni Jan Jan ang lahat ng mga major titles dito sa
Pilipinas at Philippine Ladies’ Darter of the Year ng walong
taon. Sa international tournaments, apat na ulit nang nakasama
sa Philippine team at kampeon ng Hongkong Open (x2) at Asia Pacific
Cup Ladies Singles.
Bilang isang ina , pinili na lang ni Jan Jan ang mga nilaruan
niya noong mga nakalipas na taon. Ngunit muling bumabalik si Jan
Jan sa competitive darts at muling inaasahan ng mga Darterong
Pinoy ang kanyang tanging galing sa darts.
Ang mga inaasahan sa kalalakihan ay sila Boie Parfan, Ricky Santiago,
Arby Briones at Mon Oliveros. Si Boie Parfan ay tatlong beses
nang kasapi sa Philippine Team at napanalunan na rin ang lahat
ng mga major dart titles ng bansa. Si Ricky Santiago ay ang 5th
placer sa Philippine Qualifier sa World Dart Championship, Arby
Briones ng Baguio ay nagwagi na ng ilang national titles at si
Mon Oliveros naman ay ang nagwagi ng Governor Teresita Lazaro
Cup noong nakalipas na buwan.
Panahon nang mapalawak ang karanasan ng darterong Pinoy sa pandaigdigang
tunggalian at magkaroon ng isang ibabantayog na idolo at ipagmamalaking
darterong Pinoy. Ito ang hamon sa pamunuan ng darts sa bansa at
di nawawala sa pananaw ng NDFP.
Samantala, ang Ariel Inton P10,000 Free-Regustration dart tournament
ay nakatakda sa ika-8 ng gabi sa Hunyo 7, 2008. Ito ay gaganapin
sa Barangay Bagumbuhay Covered Court, Project 4, Quezon City.
Mula sa Marikina City ang free registration tournament ay kumalat
na sa ibang siudad. Muling lilitaw ang mga baguhang dartero sa
kapaligiran at ito ang nag-uudyok ng malawakang sigla ng darts.