Dinagsa ng dalawang daan at apat-napung (240) dartero ang P10,000
Free-Registration Ariel Inton Cup noong nakaraang Sabado, June 7,
2008 sa Bagumbuhay Covered Court sa Project 4, Quezon City. Si Konsehal
Ariel Inton ang bumato ng ceremonial throw upang umpisahan ang paligsahan.
Matagumpay ang dart tournament sa pangangasiwa ng MP4 (Marilag
Project 4) Dart Club sa pamunuan nila Errol Selga, Edwin Angeles
at Tito Estares, ang Sports Coordinator ni Ariel Inton. Sa dami
ng mga manlalarong lumabas mula sa Project 4, ang MP4 Club ay
ginawa nang GP4 (Greater Project 4) Dart Club para maisama ang
kabuuang manlalaro ng Project 4.
Ang format ay napilitang baguhin upang makatapos sa maayos na
oras, kaya 701 single game sa winners at losers bracket. Bihira
ang mga dart tournaments na umaabot sa dalawang daang katao. Ito
ay nagpapahiwatig ng tuluyang sigla ng darts.
Dalawang kabataan ang nagtambal at nagkampeon sa Ariel Inton
Cup - sina McLouie Arangues, labing-limang (15) gulang ng Navotas
City at si Chiy Lim, labing-siyam (19) na taon ng SMDP club ng
Cubao. Sina Vincent Bona , ng Santolan Pasig at si Nico Argamaso,
isang labing-anim (16) na taon ng ACDC Club, Tondo ang pumangalawa.
Ang katangian ng kabataan ay hindi nangingilala ng kalaban at
bato na lang ng bato ng darts at tuloy ang na-prepressure at nanggigigil
ay ang mga beteranong manlalaro.
Maayos at maginhawa ang kinalagyan ng manlalaro sa sapat na mga
upuaan, mesa at maiwalas ng laruan. Ang kaginhawahan ng manlalaro
ay ang kauna-unahang paglilingkod na kailangang ipatupad ng sino
mang nagpapalaro. Ito ang pinamumulat sa mga NDFP supported tournaments.
Samantala sa Mindanao, natapos na ang tatlong linggong sunod-sunod
na NDFP sanctioned tournaments. Sa Butuan City, sa ilalim ng bandila
ng Butuan Caraga Dart Organization (BCDO) inilunsad ang Barangay
Captain Jun Amante’s Cup noong ika 24-25 ng Mayo. Si Dodong
Nollora, ang NDFP # 4 ranked player, ang nagkampeon ng Men’s
Singles at si Eric Oclarit, ang namumuno ng BCDO, ang pumangalawa.
Sa Ladies’ Singles si Aileen Oclarit ang nagkampeon at Glenda
Cornillo ng Bayugan City ang pumangalawa.
Noong Mayo 31 hanggang Hunyo 1 ay idinaos ang 4th Hudyaka Zamboanga
del Norte Darts Classic, sa Dipolog City ng Zanorte Dipag Darters
nila Atty. Ely Bacho at Nick Nacaytuna. Mga Cagayan de Oro darters
ang nagtunggali sa Men’s Singles, kung saan tinalo ng NDFP
#6 ranked Dixie Ibanez si Jun Espinola.
Sa bagong lalawigan ng Shariff Kabunsuan ginanap noong ika-6-7
ng Hunyo sa Upi, ang 7th Ramon Piang Dart Tournament, sa pamumuno
ni Bobby Tarnate ng Upi Darts Club. Muling nagkampeon sa Men’s
Singles si Dodong Nollora ng Butuan City at pumangalawa si Jory
Karim ng DFK,Cotabato City.
Ang kabuuang resulta ng mga ibang events kasama ng mga larawan
ng mga nagwagi ay makikita sa www.ndfpdarts.com.
Ang mga nakatakdang tournaments sa Mindanao ay ang P100,000 T’nalak
Dart Festival, Koronadal City sa Hulyo at ang P100,000 23rd Kadayawan
National Dart Championship, Davao City sa Agosto.
Kalahating milyong piso na ang napapremyo ng mga NDFP sanctioned
tournaments sa 2008. Ang nagbibigay buhay sa pambansang lakas
at lawak ng darts ay ang mga lokal na bukluran ng dartero.