Si Manny Pacquiao ang sasalubong sa pagdating ng mga dartero sa
P300,000 Pacman Cup II na gaganapin sa kanyang Knockout Bar sa Digos
City, Davao del Sur ngayong Setyembre 5-8, 2008.
Bukod sa isponsor ng torneo, si Manny ay lalahok bilang manlalaro.
Ang balita ay ensayado si Pacman sa kanyang pangalawang pagtutunggali
sa torneo ng darts. Nabinyagan sa laban si Manny noong nakaraang
dalawang linggo sa Kadayawan National Dart Tournament sa Davao
City, kung saan siya naglaro sa lahat ng events ng tatlong araw.
Malugod na hihintayin ang kalalabasan ng araw araw na ensayo ni
Manny at asahan na pupuwesto siya sa ilang events.
Ang P300K Pacman Cup II ay biglaang inilunsad noong Kadayawan
Tournament nang nagkita muli pagkatapos ng labing-limang taon
sina Manny at Chris Bayron, ang kababatang kaibigan ni Manny noong
amateur boxer pa siya sa Digos City na kasama niya sa jogging,
basketball at mga escadapa ng kabataan. Si Chris ay ang pangulo
ng Davao del Sur Dart Association at nang humiling ng sponsorship
sa darts ay malugod na pinagbigyan ni Manny ng P300K Pacman Cup
II.
Tumaas ang mga kabuuang papremyo ng Agosto at Setyembre ng mga
NDFP sanctioned tournaments sa pagtangkilik ni Manny sa Pacman
Cup Series. Kalahating milyong piso ang inabot ng Agosto nang
umpisahan ang P300K Pacman Cup I sa Gensan at sinundan ng P100K
Kadayawan sa Davao City at ng P100K Tsadarts sa Cagayan de Oro.
Ang Setyembre ay uumpisahan ng P300K Pacman Cup II, kasunod sa
Setyembre 19-21 ay ang nag-iisang Robson Sportscraft P100K Free-Registration
Darterong Pinoy at sa Setyembre 25-28 ay ang Chris Sports P120K
Philippine Qualifier sa World Darts Championship. Ang dalawang
huling torneo ay gaganapin sa Sta. Lucia East Grand Mall sa Cainta,
Rizal.
Makasaysayang panimula ang nangyayari sa isport ng darts. Ngayon
lang umabot na may kalahating milyong pisong papremyo sa darts
ng dalawang sunod na buwan. Hindi lamang papremyo ang lumalaganap,
pati ang pagtatatag ng mga regional dart federations sa buong
kapuluan. Sa Disyembre 12-15, 2008, isang malaking breakthrough
sa darts ang “Manny Pacquiao One Million International Darts
Classic” sa General Santos City, ang pinakamalaking papremyo
sa darts. Hulog ng langit si Manny Pacquiao sa mga dartero.
Ang sambayanang dartero kasama ng sambayanang Pilipino ay nananalangin
na sa laban niya kay Oscar de la Hoya sa Disyembre 6, 2008 ay
maging isang matagumpay na digmaan para kay Manny.
Samantala noong nakaraang linggo sa P100K TSAdarts sa Cagayan
de Oro City, ang mga nagwagi sa Fixed Four-man team ay ang team
Robson nila Ian Perez, Jojo Barellano, Orlan Bernardino at Bert
Lozano. Ang pumangalawa ay ang hindi inaasahang koponan ng organizer
ng torneo ang Dartfathers ng Cagayan de Oro (CDO) nila Michael
Monforte, Jong Cabiguin, Eric Waban at Jingo Bantigue.
Jun Espinola ng CDO ang kampeon at si Orlan Bernardino ng Taytay,
Rizal ang runner-up sa Open Singles. Sa Classified Draw Doubles
si Bert Lozano at Bubot Quinones ng CDO ang kampeon at sila Jojo
Barellano ng Davao City at Allan Medrozo ang pangalawa. Sa Draw
Triples, sina Bert Lozano, Eric Waban at Popoy Lanilao ng Cotabato
City ang kampeon.
Sa mga naghahangad na maiayos ang pagpapatakbo ng kanilang mga
dart tournaments, magkakaroon ng NDFP Tournament Director Accreditation
Seminar sa Setyembre 24, 2008, 10 AM sa Davao BITE Marikina City.
Ang registration fee ay P500 at kasama na ang pagkain at seminar
materials. Sa kabuuang detalye bisitahin ang ndfpdarts.com.